First time kong gumawa ng isang diary sa buong buhay ko.Ayon nga sa nabasa kong hindi matukoy kung ano, ang isa sa pinakamabisang paraan para mahasa ang imagination at writing skills eh ang pagsusulat ng kahit ano araw-araw.Sa ganun daw na paraan kahit na wala kang talent sa pagsusulat mabibigyan daw ng opportunity ang sarili mo na magsayang ng oras at the same time gumagaling ka.Alam mo diary ikaw lang ang nakikita kong sagot para magsayang ako ng oras habang nahahasa ko ang writing skills ko.Nice to meet you nga pala diary.Kinakailangan ko pa bang magpakilala at makipagshake hands sa iyo? Hindi bale next time na lang.Nakikita mo naman na busing-busy ako ako sa kakaisip sa kung ano ang isusulat ko sa iyo.Gusto ko sanang i-share sa iyo ang napaginipan ko kagabi diary.Bestfriend na kita ngayon kahit na ngayon lang nag-krus ang ating landas.Alam kong kahit na busy ka sa kaka-check ng status mo sa Facebook o Twitter, no choice ka pa rin.Makikinig at makikinig ka sa lahat ng sharing na gagawin ko.Alam kong magrereklamo ka pero wala kang magagawa.Busy pa ang Supreme Court at Senado sa nangyayaring Impeachment doon.Kung plano mo namang magreklamo sa tanggapan ni Mayor, wala ding mangyayari sa effort mong yan diary.Busy din sila sa pangungurakot at pagtanggap ng "kickback" dahil nalalapit na naman ang araw ng halalan. Walang hiya ka talaga diary, sinusubukan mo talaga ang pasensya ko. Pinagsusulat mo na naman ako pero ayos lang.Alam kong para din naman ito sa ikakabuti ko.Oo nga pala, balik tayo sa panaginip ko.
Alam mo diary napaka-weird ng napaginipan ko kagabi.Hindi ito 'yung tungkol sa kumakalat na sex video nila Hayden Kho at Katrina Halili na minsan ding naging topic ng debate ng mga tambay sa kanto. Hindi din ito tungkol sa bumebentang sex video ng namayapang si Ramgen Revilla at ang syota n'yang si Janelle Manahan. Mas lalong hindi din ito tungkol sa sa mga pagtakip ng tenga ni Atty. Aguirre dahil sa pinagalitan s'ya ni Miriam Defensor-Santiago.Tungkol ito sa long-time crush ko.
Hindi malinaw 'yung napanaginipan ko pero susubukan kong i-recall ang mga naaalala ko sa once in a lifetime experience ko na 'yun.Galing daw ako sa malayong paglalakbay. Ang setting noon eh isa daw akong manlalakbay na may special talent sa pagguhit. Meron daw akong hinahanap pero hindi ko matukoy kung ano. Ilang karagatan na ang nilangoy ko ng ilang araw at ilang bundok na ang nilakad at inakyat na ang gamit lang eh 'yung latest na flip-flops na binebenta ng Havaianas.Para na akong taong grasa noon. Ilang taon na din akong walang shave na ginagawa sa bigote ko.Parang ganito na 'yung mukha ko....
Ang pinagkaiba lang eh wala akong suot na baduy na sumbrero na katulad ng sa larawan.Hindi din puting t-shirt ang ginagamit ko doon.Pinkish ang color nito na may polka dots na nakalayer sa may bandang beywang nito.Ewan ko nga ba at bakit ganun ang kinalabasan na outfit sa panaginip kong iyon.Siguro dahil iyon sa napanood kong dokyu tungkol sa mga beki kamakailan at ang kanilang day-to-day experience.Meron din daw akong hawak na isang baston na pwedeng gawing portable pencil at signpen.Kahit na malaki ito(actually 6 feet ang haba nito), nakakahanap daw akong ng paraan para magamit ko ito sa aking pagguhit at pagdro-drawing.Sa tinagal-tagal ng pagsasama ng baston ko na 'yun, napamahal na ito sa akin at ikakamatay ko kung manakaw ito or maubusan ito ng tinta.
Habang naglalakad ako sa kasukalan ng kagubatan, meron akong nakitang isang babae na nakahandusay sa daanan. Sa tingin ko parang nawalan s'ya ng malay dahil malapit na ang summer.Naglalaro sa isip ko sa oras na 'yun eh na heat stroke s'ya.Dali-dali akong lumapit sa kung saan siya nahimatay.Sinubukan kong gisingin siya kaso parang wala talaga siyang malay.Ang nakakabadtrip nga lang sa panaginip kong iyun eh wala akong dalang cellphone.Plano ko sanang humingi ng saklolo.Naiwan ko kasi ito sa tindahan ng kwek-kwek at fishbol sa kabilang bayan."Naman oh! Ngayon na kailangan ko eh wala naman." sabi ko na may halong pagkabadtrip. Naalala kong meron pala akong dalang isang bote ng 'white flower oil' sa bulsa ko.Kinuha ko 'yun at pinaamoy sa kanya ito. Ilang minuto ang lumipas at parang hindi parin tumatalab ito kaya't naisipan kong i-CPR na lamang siya. Ng akmang gagawin ko na ang binabalak ko eh nagising s'ya bigla at nagulat. Walang pagdadalawang-isip n'ya akong sinampal sa mukha.
"Aray!" sigaw ko with feelings.
"Sino ka ba? Yuck! Rapist! Tulong! Tulong!" ang sigaw ng babae na animoy nakakita ng engkanto sa gubat.
"Hey, wag kang sumigaw.Tinutulungan nga kitang magising eh.Nahimatay ka kaya." napailing na reply sa kanya.
"Pasensya na. Akala ko kasi rapist ka at plano mong pagsamantalahan ang pagkababae ko." napangiting sagot n'ya.
Napansin ko agad ang kagandahan n'ya.Sa oras na iyun eh para akong nakakita ng anghel.Mas namumukadkad ang kanyang kagandahan sa tuwing ngumingiti s'ya.Secret lang natin ito diary pero ang weakness ko talaga eh ang ngiti ng isang babae lalo na kung cute na cute siya.Ewan ko ba pero sa tuwing meron akong nakikitang ngumingiti at tumitingin sa mata ko eh para akong matutunaw.Sabi ng nanay ko nasa bloodline na daw namin ito.Hindi na ako masyadong nag-usisa at nagtanong kung bakit.Napansin ko din na hindi maganda ang kanyang pakiramdam.Bet ko meron siyang lagnat kaya inilagay ko ang aking mga kamay sa kanyang noo at pinakiramdaman kung tama ba ang hinala ko.Pinulsuhan ko na rin siya para sigurado.
Nagtaka siya kung bakit ko ito ginawa at napatanong. "Teka ano ang ginagawa mo?"
"May lagnat ka ha." sabi ko. Binuhat ko siya at naghanap ng isang lugar kung saan pwedeng doon na muna kami tumuloy. "Hindi maganda ang pakiramdam mo hindi ba? Hayaan mong alagaan na muna kita hanggang bumuti na ang kalagayan mo."
"Huwag na. Kaya ko pa naman eh." sabi ng babae.
"Hindi mo pa kaya.Huwag kang mag-alala wala itong service charge o bayad.Magpagaling ka lang OK na 'yun as pambayad.At tsaka nga pala, ngumiti ka kaya.Ang ganda mo kasi kapag nakangiti ka." sagot ko sa kanya na nahihirapan dahil ang bigat-bigat n'ya.
Nakahanap kami ng isang abandonadong bahay malapit sa ilog.Doon na muna kami nanuluyan.Ewan ko ba pero habang dumadaan ang mga araw at oras parang nahuhulog na ang loob ko sa kanya.Bukod sa maganda siya eh napakatalino pa n'ya.Madali n'yang napapansin ang mga bagay-bagay sa paligid.Para ngang lahat ng gusto mong katangian ng isang babae eh makikita mo na sa kanya lahat except 'yung height n'ya.Sa totoo lang, meron akong kakilala na parang katulad din n'ya sa totoong buhay.
Hindi ko matukoy kung ano ang pinag-uusapan namin pero habang nag-uusap kaming dalawa eh parang tumitigil ang oras at bumibilis ang tibok ng puso ko.Weird nga eh dahil panaginip lang 'yun.
Dumating din ang araw na gumaling na s'ya.
"Salamat ha! Hindi ko talaga malilimutan ang pinakita mong kabutihan sa akin.Sana pagpalain ka sa paglalakbay mo." sabi ng babae.
"Walang ano man.Ikaw pa eh ang lakas mo sa akin." sagot ko sa kanya.
Plano ko sanang humingi ng cellphone number sa kanya kaso wala nga pala akong cellphone.Hihingian ko din sana siya ng email-address ng sa gayun eh ma-"add as a friend" ko siya sa Facebook.Muntik ko nang makalimutan na hindi pa pala ako nakapag-register ng account sa Facebook.Sayang!
Tinanong ko na lamang ang pangalan n'ya.Kahit na maghiwalay ang landas namin eh meron parin akong maituturing na "remembrance" sa kanya.
"Ako nga pala si..............." ng biglang ginising ako ng nanay ko.Nakakabadtrip! Nabitin ako doon diary.
Naman oh! Kung saan ang magandang part ng panaginip eh doon pa biglang mapuputol.Pero hindi parin ako nawalan ng pag-asa.Natulog ako ulit at sinubukang balikan ang naputol kong panaginip.Ilang minuto ang dumaan pero wala paring nangyari.Kaya itinigil ko na lamang ito.Nakakadismaya ang nangyaring iyun sa akin diary.Sayang talaga at hindi ko man lang natanong ang pangalan ng babaeng 'yun.Pero nagpapasalamat na din ako kahit ganoon ang nangyari.
Hanggang dito na lang muna diary.Hayaan mo magsusulat ulit ako sayo kapag hindi na ako busy.
P.S.:Awkward masyado ang napaginipan ko pero inihalintulad ko lang ito sa personal experience ko sa totoong buhay.Kamakailan kasi nag-share at nag-open up sa akin ang isa sa pinakaimportanteng babae sa buhay ko.Sa tingin ko nga eh inlab na ata ako sa kanya.Sa katunayan, crush ko siya since highschool.Hindi lang ako nabigyan ng pagkakataon na ipahayag sa kanya ang nararamdaman ko dahil noong panahon na 'yun, meron siyang gusto sa kaklase ko.Teka bakit ko ba sinasabi sa inyo ang mga bagay na ito? Ano ba ang punto ko?
Napag-alaman ko kasing nagkasakit ang s'ya noong nakaraan.Kaya siguro napanaginipan kong meron akong inaalagaan na babaeng maysakit dahil ito kasi ang gustong-gusto kong gawin sa babaeng napupusuan ko.Magkalayo kasi kami at 'yung means ng communication lang namin eh through internet chat.At oo nga pala, siya pala ang babaeng inaalagaan ko sa panaginip kong iyon.
THE END...