Isa sa pinakaaabangan ng masang pilipino ang nangyayaring Impeachment ngayon sa Senado ay hindi mismo ang resulta.Mas nananabik pa ang taumbayan sa tuwing magsasalita at magpapahayag ng kanyang saloobin si Sen. Lito Lapid tungkol sa Impeachment.Parang isang napakalaking 'breaking news' pa ang pagtatanong ni Sen. Lapid sa mga witnesses ikumpara sa mga ibinibigay mismo ng ebidensya na importante sa paggulong ng kaso.Teka bakit ba tayo ganito kapraning sa tuwing naglalatag ng kanyang mga agam-agam si Sen.Lapid? Dahil ba artista s'ya? Dahil ba meron siyang bigote? Dahil ba brown 'yung kulay nya? Dahil ba meron s'yang asawang nahuling merong ipit sa *tuut* *tuut* na malaking halaga ng pera?
Tama! Dahil siya lang ang Senador na hindi masyadong bihasa sa wikang ingles.
Teka, magbalik-tanaw tayo sa buhay ni Sen.Lapid.Long, long time ago.....'wag na nga lang.Tinatamad ako.Next time na lang.Ang importante eh nasabi ko na.
Alam natin sa mga sarili natin na hindi nga siya marunong o kung marunong man, hindi n'ya masyadong kabisado ang ligaw ng dila na gamit na lingwahe ng mga konyo o konya.Ang totoo kaya natin inaabangan lahat ng speech na ginagawa ni Sen.Lapid dahil siya lang ang tanging senador na nagtatagalog sa Senado.At ang Senado ay isang lugar na kung saan parang kinakailangan mong gumamit ng ingles sa ayaw mo man o sa hindi.Bagamat walang batas na nagsasaad na paparusahan ka kung gagamit ka ng tagalog sa Senado, parang ma-oobliga ka na lang sa sarili mo na gumamit kahit parang naiilang ka.Na parang tatae ka sa tuwing naririnig mo ang sarili mong nag-i-ingles kahit labag sa kalooban mo.Sa kaso ni Sen. Lapid, parang ganoon ang nangyayari.Nandoon 'yung konting pangungutya dahil sa kasingit-singitan ng ating puso, gusto natin ng konting 'entertainment' sa Senado na ibibigay ni Sen.Lapid sa pamamagitan ng pagkakamali na kanyang gagawin.Ooops, ooops, hindi ko sinabing nangungutya kayo ha.Hindi ko rin sinabi na bobo ang nagtatagalog sa isang lugar na parang required ka na mag-ingles.Binasa n'yo eh baka nga guilty kayo..
Sa bansang ito nagiging uri ng diskriminasyon ang mali-maling paggamit ng wikang ingles.Kung tutuusin hindi naman talaga ginawa ang ating dila para kabisaduhin kung papaano magsalita ang mga dayuhan at hindi tayo ipinanganak ng ating mga magulang para maging idol natin si Justin Bieber o si Chuck Norris o si Mang Kanor na may tinirang menor de edad.Ang tingin kasi natin sa mga taong nag-i-ingles eh parang ang talino nila.Na kapag maluwalhati mong mabigkas ang mga salitang "Hey Joe" o "Baby, baby, baby oh!!" sa banyo eh mukha ka nang cool.Prangkahin ko kayo ha, nagmumukha kayong mga gago.Kaya nga siguro hindi tayo nagkakaiintindihan at nagkakaunawaandahil merong iba na 'pa-cool' sa pag-i-ingles habang ang iba eh hindi masyadong nauunawaan ang wikang ginagamit nila.Sa dinami-dami ng wika ng ating bansa eh sisingit pa ang wika ng mga banyaga na lubos na nagpapagulo sa ating mga utak.Ang tingin kasi ng lipunan na ating kinabibilangan eh kapag marunong kang mag-english, may future ka.Wala namang nagsabi sa atin na kapag bihasa kang mag-english, may future ka.Parang ina-aasume lang natin sa ating mga sarili na itong wika na ito ang magsasalba sa atin sa kahirapan.Na kapag nagtatagalog ka lang o nagbibisaya wala kang future.Oo nga ano, mas mabuti na magpakulay na din tayo ng buhok na katulad sa mga amerikano at mag-almusal na din tayo ng tinapay at peanut butter sa umaga.
Teka ano ba ang punto ko? Wala lang.Share ko lang itong kaunting nilimbag ko.Wala naman talaga akong intensyon na hamakin ang wika ng ibang lahi o kung sino pa man.Baka nga siguro guilty tayo sa nangyayari sa ating bansa.Na kaya hindi umuunlad tayo dahil tayo mismo hindi nagkaka-unawaan kung ano ba talaga ang lingwaheng nararapat nating gamitin.Na sa kaibuturan ng ating mga heart eh we owe ating life sa foreigners..